






Ang Pagkakaisa
By: Adelino L. Masigla
Ika-1 ng Abril, 1997
I
Binhing ipinunla, sa lupa'y nagsuhay,
At ito'y yumabong, sa sikat ng araw,
Sa dilig ng hamog, dahon ay lumabay,
Nag-ugat, nag-sanga, at ito'y nabuhay.
II
Ano kayang saysay, kung lupa ay wala?
Saan magtatanim, saan magpupunla?
Ang sikat ng araw, kung hindi sagana,
Kahit damong ligaw, ay tatagal kaya?
III
At kung walang hamog, ‘digat walang ulan,
Pa'no mabubuhay, ang mga halaman?
At saan hahantong, yaring katauhan,
May pag-asa kaya, tayong makakamtan?
IV
Araw, lupa't hamog, irog ng balana,
Iba't-ibang anyo, iba-ibang nasa,
May iisang aral, na pinadadama,
Ang pagkakaisa, dulot ay pag-asa.
V
Ikaw man ay apoy, at ako ay tubig,
Tayo nang magpunla, ng gintong pag-ibig,
Magkaibang pakay, sa puso'y iwaglit,
Sa ati'y bubuksan, ang pinto nitong langit.
VI
Hayaang maghari, ang kapayapaan,
At ating iwaksi, yaong kabuktutan,
Ang lahat sa mundo, ay iisa lamang,
Mayroong simula, at may katapusan.
VII
Ang pagkaka-isa, dulot ay pag-asa,
Araw, lupa't hamog, sila ang kapara,
Bihing ipinunla, sa pakikisama,
Tulay sa ‘ting bukas, maghahatid sigla.
As Vice District Governor of District 301-A2, Lions Clubs International, the author
found it necessary to enhance unity and cooperation among all lion members,
among all lions clubs if the organization is to render a true service to the
community and the less fortunate. In this poem the author explained how vital
each member is to the organization.
The Poems of Capt Adelino L. Masigla