masigla.com
A SHORT STORY
                                         Kilala Ni Daddy Si Santa Clause
                                                                                   Maikling Kuwento ni:   Adelino L. Masigla



Masaya ang mga kamag-aral sa unang-baytang nang umagang yaon. Huling araw na nila bago magbakasyon para sa
Pasko kaya’t may munti silang kasayahan at salo-salo. Abala si Bb. Celia sa paglikom ng mga regalo ng mga bata na
pang exchange gift samantala nag-kalipunpun ang karamihan sa isang bahagi ng silid aralan. Pinanonood si Margie
habang sumusulat para kay Santa Clause. aniya sa sulat:

                                      “DEAR SANTA,  
                                      MABAIT AKO DI BA, ANG WIS KO SA  X'MAS
                                      AY  BARBI DOLL AT SI KEN.
                                      THANK YOU FROM MARGIE."

Pagkatapos sumulat ay tinanong siya ng mga kamag-aral kung paano niya ipapadala ang liham. Sumagot na kilala ng
Daddy niya si Santa Clause at alam ang address nito. Noong isang Christmas daw ay si Daddy rin niya ang nag-mail at
pagsapit ng Pasko ay natanggap niya ang regalo mula kay Santa Clause. Naniwala naman ang mga batang nakarinig.
Subalit sumabat naman ang isa na:

“Mabuti ka pa Margie, puwede ba ibigay mo na lang ang sulat ko sa Daddy mo para siya na lang ang mag-mail.”

Hindi nakatanggi si Margie. Nang malaman ng mga bata, naggawaan ng kani-kaniyang sulat para kay Santa Clause at
binigay lahat kay Margie bago sila umuwi nang tanghaling yaon.

Pagsapit sa tahanan ay labing-siyam na sulat ang inabot ni Margie sa ama. Namangha ang mga magulang ni Margie. Ano
ang gagawin nila sa mga ito. Nag-usap ang mag-asawa at nagpasya. Hindi naman daw maaring biguin ang musmos na
pantasiya ng mga bata. Pagkakain ng tanghalian ay agad nagtungo ang ama ni Margie sa paaralan at nakipag-usap sa
Punong-Guro. Ipinaliwanag ang sitwasyon. Sa tulong ni Bb. Celia ay isa-isang kinilala ang mga sulat ng mga bata at
inalam ang kani-kanyang mga magulang, gayon din kung saan mga nakatira.

Kinabukasan, pagpasok ng ama ni Margie sa opisina ay gumawa ito ng sulat para sa mga magulang at inilakip ang kani-
kanyang sulat ng mga bata kay Santa. Nakiusap din siya na hanggat maari ay huwag bibiguin ang kahilingan ng mga
bata, kahit papaano ay bigyan sila ng kaunting kasiyahan alang-alang sa diwa ng Pasko.

Sumapit ang araw ng Pasko. Tulad ng inaasahan ay natanggap ni Margie ang hiniling kay Santa. Nang umaga ring yaon
ay tumawag sa telepono ang ibang kamag-aral ni Margie at labis ang kagalakan na ibinalita na natanggap rin nila ang
bigay ni Santa. Laking pasasalamat kay Magie at sa ama nito. Dahil dito ay nag-uumapaw ang kasiyahan ni Margie dahil
sa paniwala na malaki ang kanyang naging bahagi sa pagpapadala ng mga sulat kay Santa.

Tanghali na nang tumawag muli ang isa at binalita na kawawa naman daw si Paolo at Rita, walang natanggap. Umiiyak
daw sa telepono si Rita at may alinlangan na baka di raw naihulog ng Daddy ni Margie yong kanilang sulat. Bahagyang
natulala si Margie sa nabatid at upang mapatunayan ay tumawag kay Rita. Nagkausap naman ang dalawa subalit walang
patid ang pahikbing bintang ni Rita na siguro ay talagang nakaligtaan ang sulat niya na ihulog. Nangatwiran si Margie na
sabay-sabay hinulug ang lahat na mga sulat sa post office, subalit sadyang matindi ang hinagpis ni Rita. Awang-awa si
Margie, patuloy ang patak ng luha habang nagpapaliwanag kay Rita.

Umiiyak na nagsumbong si Margie sa mga magulang. Punong-puno ng kalungkutan at pagkahabag sa nangyari sa
dalawang kamag-aral at sinisisi ang Santa Clause.

----
"Bakit naman ganon si Santa Clause" patangis na wika ni Margie,  "sana, yong para sa akin ay binigay na lang niya
kay Rita at Paolo."

Walang maapuhap na katwiran ang mga magulang upang makapagpalubag sa damdamin ng anak. Dalawang linggong
kinimkim sa puso ni Margie ang mga pangyayari at 'di siya naging ganap na masaya sa buong panahon ng kapaskuhan.

Hinidi mawari ng mga magulang ni Margie ang sasabihin kundi ang bigyan ng mapanuring haka-haka ang nangyari.

Ano kaya ang mahipit na dahilan ang nagbunsod sa mga magulang ni Rita at Paolo upang hindi maki-ugnay kay Santa
Clause? Mayroon kayang diwa ng Pasko sa kanilang puso?
Ito ang mga tanong na nanatiling walang kasagutan.


                                                                                                                        §
(All rights reserved. All works published in this web site are exclusive properties owned by the author and © masigla.com and protected under the International
Copyright law. Nothing herein may be copied or reproduced, in whole or in part, in whatever form, without the expressed permission of Capt Adelino L. Masigla)

Copyright © 2004 masigla.com All Rights Reserve
SHORT STORIES