masigla.com
A SHORT STORY
Copyright © 1999 masigla.com All Rights Reserved.
|
Tatlong Mukha Ng Pasko
Maikling Kuwento ni: Adelino L. Masigla
Mabigat ang mga paa ni Jessie sa bawat hakbang samantalang pauwi sa tinutuyang quarters. Galing siya sa downtown ng lungsod na
kung saan ay naglilingkod siya bilang maintenance manager ng isang malaking kompanyang Amerkano sa Gitnang Silangan. Malamig
ang simoy ng hangin nang gabing iyon tanda ng araw ng Pasko. Balot ang katawan sa makapal na jacket at binabagtas ang paahon na
lansangan, pilit na iwinawaksi ang labis na kalungkutan subalit hindi magawang itaboy ang nagdaang kahapon. Magpakatatag ka ang wika
sa sarili. Nais niyang sumigaw at magalit sa sarili. Nais niyang magwala.
Malapit na sana siya nang biglang bumukso ang malakas na hangin na may dalang buhangin ng disyerto. Bahagya siyang nagkanlong sa
likod ng salamin ng isang bus stop. Nginig ang mga labing ipinasok ang mga kamay sa bulsa nang nakapa ang dalawang sulat na
katatanggap lamang mula sa Pilipinas. Sa pagkakataong yaon ay muling namuo ang luha sa mga mata ni Jessie at napaupo sa upuan ng
bus stop at patagong hinayaan na dumaloy at pumatak ang mga luha. Hindi niya napigilan ang humikbi. Awang-awa siya sa sarili. Matapos
mahimasmasan ay isinandal ang likod sa upuan at itinuon ang mga paningin sa kalawakan. Sa pagtitig sa mga bituin ay nanariwa sa
kanyang isip ang kahapon, tatlong taon ang lumipas…….
Limang taon ang kaisa-isang anak na babae nila ni Nelia na si Jesnel. Magkasunod ang araw ng kanilang kapanganakan, Disyembre 23
siya at 24 naman si Jesnel kayat sabay nila itong pinagdiriwang. Sa kanilang tatlo ay napakalaking kaganapan ang kapaskuhan. Hindi-
hindi niya malilimutan ang minsang sinabi ni Nelia sa kanya—“Para sa akin kayong dalawa ang pinaka-mahalagang pamasko galing kay
God.” Hindi rin niya malimutan ang kakulitan ni Jesnel nang minsang sabihin na—kaya pala Jessie at Jesnel ang pangalan nilang mag-
ama ay itinulad kay Jesus dahil makakalapit ang mga birthday nila. Taon-taon, tuwing Decembre 23, matapos mamili ng mga pang-regalo
para sa mga malapit na kaibigan at mga kaanak ay kumakain sila sa labas. Maliit lamang ang kita ni Jessie kaya’t pinagkakasya na lang
para sa lahat ng obligasyon. “Hindi baling mura ang regalo, ang mahalaga ay naalala natin sila ngayon Pasko” ang misang nasabi ni
Nelia. Praktikal si Nelia at labis itong hinahangaan ni Jessie. Bagama’t galing sa maykayang angkan ay hindi niya narinig ang asawa na
nagreklamo pagdating sa pinansiyal. Sa likod niyon ramdam naman niya ang mga patagong pagkutya ng mga kaanak ni Nelia kaya’t
napilitan siyang mangibang bansa upang makipagsapalaran. “Mag-iipon lang tayo ng pangpagawa ng sariling bahay at kaunting pang-
negosyo” ang usapan nila ni Nelia.
Sa simula any madalas at pang-abot ang kanilang sulatan. Bawat liham ay punong-puno ng pagmamahal. Magaling na kumpanya ang
napasukan ni Jessie, malaking magpasahod. Palibhasay isang mechanical engineer na may aking talino ay madali siyang umasenso.
Upang malibang naman ang asawa ay pinayagan niyang mamasukan bilang accountant sa isang marketing firm sa Makati. Sayang naman
daw ang pagiging CPA niya kung hindi magagamit. Si Jesnel ay natuto na ring sumulat at madalas ay sumusulat ng kanya at iniipit sa
sobreng padala ng ina. Punong-puno ng inspirasyon ang buhay ni Jessie.
Lumipas ang dalawang taon ng maligayang pasusulatan at pagbabalitaan. Sa pagpasok ng pangatlong taon ay unti-unting dumalang ang
mga liham ni Nelia. Dinalaw ng pangamba si Jessie subalit pilit niyang binibigyan ng katwiran ang asawa. Pilit na iwinawaksi ang mga pag-
aagam-agam Marami sigurong trabaho ang kanilang marketing firm at busy sa pag-aasikaso sa lumalaking anak. Hanggang sa bandang
huli pati ang sulat ng anak hindi na rin napapaipit tulad ng dati.
Bago lumabas ng kumpanya kanina ay inabot kay Jessie ang dalawang liham na mula sa Pilipinas. Galing sa anak at asawa. Nasabi niya
tuloy na malaki na pala ang anak, marunong nang maglagay ng address sa sobre. Masaya siyang naupo sa lobby ng opisina at sabik na
binuksan at binasa, una ang sulat ng anak.
"Dec 15, 2001
Dear Papa,
Wala po si Mama, kaya susulat ako sa yo. Kasi dati sabi niya wag na raw ako susulat sa yo sabihin na lang daw sa
kanya at siya na lang ang susulat. Ngayon wala siya kaya ako na lang. Bukas si yaya ang magdadala sa post opis. Kasi
may school kami. Mabait ang bago kong yaya di ba? Alam mo marami akong sasabihin sa yo. Kasi yong klasmate ko.
Sabi niya hindi daw dadaan sa atin si santa kasi di daw ako mabait kasi sumulat ako kay santa pero sabi ni mama wala
raw totoong santa. Sinabi ko sa klasmate ko pero sabi niya kaya raw ganon kasi di ako mabait. Siya daw may barbi
house ibibigay si santa. Nagalit din si mama kasi tinanong ko siya kung bakit ganon. Galit din ba kayong dalawa. Kasi
galit din ako sa kanya. Bukas pa siguro ang uwi ni mama kasi nagpunta sila sa Cebu kasama ang mga taga opis nila
pero nong may test kami wala din siya dito at saka madalas si yaya lang ang nagtuturo sa akin kasi lagi silang may
sayawan. Isang beses pinagalitan siya ni lola kasi sinumbong ko. Buti nga sa kanya. Uwi ka na lang ditto papa para
ikaw na lang ang kasama ni mama. Ang tawag ni yaya don sa laging kateks ni mama ay si bigote. Kasi pag si yaya ang
sasagot sa telepono saka sinabing tulog si mama sasabihin ni yaya mam si bigote daw. Sabi ni yaya sabihin mo raw
kay santa na bagong barbi lang ang gusto ko. Kasi sabi ni yaya mahal daw ang Barbi house. Sige babay na. I love you.
Siya nga pala happy birtday sa tin dalawa.
Jesnel"
Halos pumutok ang dibdib ni Jessie sa nabasa. Sandali siyang nag-isip at kagat-labing huminga ng malalim. Kinakabahang binuksan at
binasa ang sobreng galing naman sa asawa.
"December 14, 2001
Dear Jessie,
Hindi ko alam ang aking sasabihin sa iyo ngayon. Sa katunayan ako ay litong-lito. Nais ko sanang maglihim subalit
natatakot ako na sa malao’t-madali ay malalaman mo rin ang katotohanan. Minamabuting ko na sa akin na manggaling
bago mahuli ang lahat. Pinag-isipan ko itong mabuti at nakahanda ako sa ano mang mangyayari. Sa payo ng magulang
ko ay magreresign na ako sa trabaho at iiwanan ko na ang aking mga kasamahan sa opisina. Aaminin ko na sa isang
banda ay naging hindi maganda ang pakikitungo ko sa trabaho. Dahil sa tawag ng tungkulin ay napilitan akong sumama
sa mga paanyaya ng ilan sa mga clients ng kumpanya. Naging maingat naman ako maliban sa isa na labis at mapusok
ang panunuyo. Halos katulad mo rin siya, maalalahanin, mapagbiro at malambing. Nakita ko sa kanya ang iyong mga
katangian at anyo. Mayroon din siyang asawa at mga anak Bagamat lihim na lihim ang aming naging ugnayan ay hindi
maiaalis na may ilang nagdududa sa mga kasamahan. Nandito kami ngayon sa Cebu at kaninang tanghali ay nag-usap
kami ng maayos. Ipinahiwatig ko sa kanya na dalawang pamilya ang mawawasak kung ipagpapatuloy ang kahibangang
ito. Mahal na mahal ko kayong dalawa ni Jesnel, tulad ng nabanggit ko sa yo noong araw ay kayong dalawa ang
pinakamahalagang aginaldo sa aking ng God. Sakali mang naligaw ako ng landas, ito ay dala ng labis kong pangungulila
sa iyo. Ikaw ang nakikita ko pag kausap ko siya. Nang mga huling araw bakit pati si Jesnel ay parang napapalayo na sa
akin. Please Jessie, hindi ko na kayang mawala sa yo lalo na sa inyong dalawa ni Jesnel. Kinausap ko na si Dad at si Mom
last two days ago at nakita naman nila ang pagsisikap nating dalawang itaguyod ang kinabusan. May mga naipon naman
tayo at kung kulang ay pahihiramin nila tayo upang makasapat sa puhunan. Huwag ka nang mag-alala sa bahay, sabi ni
Dad at Mom ay hahatiin na nila yong mga real estate properties ng family sa aming apat na magkakapatid at isa sa mga
bahay paupahan ay para sa atin. Please forget about my parents attitude towards us noong araw. Ginawa lang nila yon
upang tayo ay magsikap para sa future.
Muli akong nakikiusap sa yo, please forgive me. We have had so much sacrifices and our own family is at stake this time.
Labis na akong nagsisisi. Sa kagustuhan kong makatulong sa yo ako’y nadapa. Parang-awa mo na Jessie, please,
tulungan mo akong tumayo. Mamaya pagdating namin sa Manila Airport ay iaabot ko na ang aking resignation papers kay
sir. Ang dasal ko kay God ay muling ibigay ka at si Jesnel sa akin ngayong Pasko. Please Jessie, go home to me now.
I love you very much,
Nelie"
Nagpupuyos ang dibdib ni Jessie nang lumabas sa opisina, wala sa sarili at di malaman kung saan tutungo. Binagtas ang kahabaan ng mga
lansangan sa lungsod. Lakad na walang direction hanggang abutin ng dilim. Ilang beses sa pagtawid ng kalye ay kaunti nang mahagip ng
mga sasakyan habang sinisigawan ng mga driver. December 23 ngayon, wika niya, anong tamis mamatay sa araw ng kanyang
kapanganakan.
Hatinggabi na nang maglubay ang lakas ng hangin. Naalimpungatan siya ng malakas na busina ng kotseng dumaan na animo ay tunog ng
whistle bomb. Muli siyang tumayo at lumakad patungo sa quarters habang kapa-kapa parin sa bulsa ang dalawang sobre. Pagsapit ay inabot
ang mga kasamahan sa quarters na nagkakatuwaan at nagkakantahan ng mga awit pamasko. Sa pagpasok ay hindi pinansin ang mga bati
ng happy birthday at tuloy-tuloy siya sa kanyang silid at nahiga. Patuloy na iniisip ang mga pangyayari. Habang nauulinigan ang mga awit
pamasko ng mga kasamahan na nasa sala ay kung ano-anong mga pangyayari ang umuugnay sa kanyang isip. Muling binasa ng pahapyaw
ang mga sulat. Pumatak na naman ang luha niya nang marinig ang “I saw mommy kissing santa clause underneath the missile toe last
night”. Kagat niya ang mga labi sa “You’re all I want for Christmas”. Ikot ang kanyang katawan sa pagkakahiga sa saliw ng “Santa Clause is
coming to town”. Subalit madaling araw na nang awitin ang “I’ll be home for Christmas” at bago ito matapos ay nasumpungan ang sarili na
unti-unting tinitipon ang mga gamit at inilalagay sa maleta.
Bago mag-ika-pito ng umaga ay nasa opisina na siya ng kanyang boss. Nagtataka ang amo nang makita siyang may dalang maleta. “What do
you think you are doing Jessie”, ang tanong ng amo. Tikom kamao at matigas ang kanyang mga sagot—“I am getting crazy right now, I have
been working good for you straight for three years. My family needs me now and you have to send me home immediately otherwise I’ll be
happy to kill somebody and be in jail”. Pagkarinig noon ay agad tinawag ng boss ang kanyang assistant at inutusang—“Get this man the first
available flight to Manila, I don’t care what airline or what class” at dinagdagan pa--- “Give him also his balance salaries plus the necessary
bonuses. He had serve the company with excellence and I think he deserves it and do it now”. Kinamayan siya ng boss at sinabing—“I heard it’
s your birthday Jessie, Happy Birthday and Merry Christmas too”. “Thank you very much sir”, ang sagot niya. Gulat at takang-taka si Jessie sa
inasal ng boss.
Pagpasok niya sa pre-departure area sa airport ay nakakita siya ng toy store at agad niyang pinabalot ang isang complete set ng Barbie doll
kasama ang Barbie house. Gayon din bumili siya ng isang set ng diamond wedding ring at pinalagyan ng pangalan nila ni Merlie at petsang
Dec 25, 2001. Ibinili rin niya ang biyanang lalake ng paboritong alak na Chivas Regal Royal Salute at isang mamahaling pabango para sa
biyanang babae. Isang relos naman para sa yaya ni Jesnel.
Ika-sampu ng gabi, palakpakan ang mga pasahero nang lumapag ang eroplano ni Jessie sa Maynila. Malakas ang tibok ng kanyang dibdib.
Halos isang oras at kalahati bago siya nakalabas ng airport sakay ng taksi. Nais niyang sorpresahin ang mag-ina sa kanyang pagdating.
Hindi niya alintana ang ang mga kasiyahan nagaganap sa mga lansangang dinaraanan. Habang papalapit ay parang lalong bumabagal ang
takbo ng taksi. Lalong lumakas ang kaba ng kanyang dibdib nang pagtapat sa kanilang tinitiran ay mapunang madilim at walang ni isang ilaw,
di tulad ng mga kapit bahay na hitik sa mga kutitap ng Christmas lights at parol. Hindi niya malaman kung ihahakbang pa ang mga paa.
“Diyos ko huwag po naman sana” ang dasal niya Pagkabayad sa taksi ay unti-unti siyang lumapit sa pintuan. Sa dami ng bitbit ay bahagya
tinulak ng paa ang pinto at nagtaka kung bakit naiwang bukas gayong wala namang tao. Ibinaba niya ang mga daladalahan at dahan-dahan
siyang pumasok sa sala at kinapa-kapa ang switch nang biglang nagliwanag ang lahat na ilaw sabay tugtug ng happy birthday to you.
Eksaktong alas-dose ay patakbong yumapos sa kanya ang mag-ina, kasunod ang mga magulang at kapatid ni Nelie. “Merry Christmas
mahal” ang bati ni Nelie, “Merry Christmas Papa” salubong naman ni Jesnel. Batian ang mga mag-anak. “Teka muna, paano ninyo nalamang
darating ako, kanina lang umaga ako nagdesisyong uuwi”, ang tanong ni Jessie sa mga dinatnan. Bago nakasagot sila ay binubuksan na ni
Jesnel ang kahon na may larawang Barbie house at tinuro na rin ni Jessie sa anak ang isa pang kahon ng mga Barbie set. Hindi
magkamayaw sa tuwa ang bata. Nagmano muna si Jessie sa mga biyanan at inabot ang kanya-kanyang pamasko. Tuwang-tuwa din si yaya
sa kanyang bagong relos at sinabihan din ang tatlong kapatid ni Nelie na bukas ay pupunta sila sa Duty Free Shop upang bumili ng para sa
kanila. Pagkatapos niyon ay dinukot ni Jessie sa bulsa ang isang pares ng diamond wedding ring at hiniling ang mga magulang ni Nelie na
ito’y basbasan. Natahimik ang lahat at sa pagkakataong ito ay pumatak ang mga luha ni Nelie. Matapos mabasbasan ay sinuot ni Jessie ang
singsing sa daliri ni Nelie at sinuot naman Nelie sa daliri ni Jessie ang isa. Umiiyak na yumapos si Nelie kay Jessie at pabulong na
nagtanong “Pinapatawad mo na ko?” Titig na napansin naman ni yaya si Jesie at paumis na nagsabing— “Ay si sir may bigote”. Dalawang
pisil naman sa likod ni Nelie ang sagot ni Jessie. “Pero aahitin mo yang bigote mo” pahabol ni Nelie.
“O yaya magmula ngayon kalimutan na ang bigote ha.” sabi ni Jessie. Nagkatinginan ang mga magulang ni Nelie. Kurot naman sa balikat ni
Jesie ang iginanti ni Nelie.
Habang kumakain ang lahat, ipinaliwanag ni Nelie na pagka-take off ng eroplano ni Jessie ay tumawag agad ang boss niya at binalita na siya
ay darating. Sinabi rin na huwag alalahanin ang pagbalik sapagkat matutuloy na sa pagpasok ng bagong taon ang pagtatayo ng company
branch sa Pilipinas at si Jessie ang isa sa mga napili upang mangasiwa. “Sasabihin daw sana sa iyo kanina pero mainit raw ang ulo mo at
nanlilisik ang mga mata. Ang sabi pa ng boss mo tulungan ko raw siyang kumbensihing ka na tanggapin ang iaalok nila sa iyo.”
“Anong palagay mo?” Tanong ni Jessie sa asawa. “Kung ano ang gusto mo” sagot naman ng isa.
Matapos kumain ay nagyaya nang umuwi ang mga biyanan ni Jessie. Tulog na kinalong ang anak patungo sa silid. Pansin ni Nelie na titig pa
rin si yaya sa bigote ni sir. Pagkababa ng bata sa kama ay inabot ni Nelie ang pang-ahit kay Jessie, sabay bigkas ng----- “I love you”.
“Maligang Pasko at Masaganag Bagong Taon sa inyong lahat”
|